Una ay pagka mangha sa angking kagandahan ng kapaligiran, kagustuhan mong ito ay makapiling at maging kabahagi, kasunod ang pagsubok at sigla na ito ay tunguhin at sa huli....marating ang dulo nito, mapagtagumpayan ang hirap at maranasan ang matamis mong tagumpay.
Nabighani ka sa kanyang likas na ganda at ninais mong itoy higit pang madama kung mararating siya. Wagas ang kaligayang madarama sa piling niya.
Ang paglalakbay patungo sa taluktok niya ay isang pagsubok at pagkilala sa kakayahan mong makamit ang isang mithi. Pagnanais na maisagawa ang isang bagay na hindi nagagawa ng karaniwang pagsiskap lamang. Sa sandaling nalampasan mo ang pagsubok
at makarating sa iyong inaasam na tugatog....matatanaw ang kadakilaan mula sa itaas.
Ang taas nang narating, ang tagumpay na nadama. Magbunyi ka. Pagpupunyagi na minsan ay nakalilinlang. At mapapaisip kang muli, Hindi lang ikaw ang nakagawa nito. madami pa. Hindi mo din mabilang sa iyong mga daliri. Ang katotohanan....may iba pang mas mahusay na nilalang ang nakagawa nito. Kung kaya, dahil dito, muli mong balikan ang iyong mga hakbang at suriing lubos ang iyong sarili:
"Anumang tayog ang marating, siya naman sanang pagpapkumbaba ang damahin."
Hindi lamang pala sa iyo umiikot ang mundo. Mapagtatanto mo na isa ka lang palang maliit na tuldok sa kalawakan. Isang butil ng buhangin lamang sa tila walang hanggang dalampasigan. Ang katotothanan, kung sinserong susuriin ang sarili.... Isa kang munti, payak, na may isang ga-patak lang na kakayahan. Matayog man ang narating, dapat manatiling nakatapak ang mga paa sa lupa.
At sa huli, ang katotohanan lamang ang mahalaga at magpapalaya sa iyo.
No comments:
Post a Comment